PAGLULUKSA AT PAG AAYUNO
Diocese of Kalookan
PAGLULUKSA AT PAG-AAYUNO
Homiliya para sa Biyernes matapos ang Miyerkoles ng Abo,
7 Marso 20245, Mt 9:14-15
Pwede bang MAGLUKSA ang mga bisita sa kasalan habang kapiling nila ang lalaking ikinakasal? Pagdating ng panahon na mawala sa piling nila ang ikinakasal, noon sila mag-aayuno. Bakit kaya ikinukumpara ni Hesus ang pag-aayuno sa pagluluksa sa ating ebanghelyo? Pagnilayan natin ito.
Kailan ba tayo nagluluksa? Kapag nawalan tayo ng mahal sa buhay. Hindi mo naman ipagluluksa ang pagkawala ng isang taong walang kinalaman sa buhay mo, di ba? Lalo na siguro kung ang namatay ay isang taong nang-api sa iyo o nagpahirap sa buhay mo. Baka nga masabi mo pang, “Ay salamat.” Huwag naman.
Minsan may kakilala ako na biglang namatayan ng magulang. Sabi niya sa akin matapos na i-bless ko ang tatay niya, “Nagsisisi ako. Sa sobrang busy ko, ang tagal ko siyang hindi man lang nadalaw o natawagan o nasamahan sa pagkain tulad ng dati. Ngayon, gustuhin ko man, wala na siya. Bakit nga ba kung minsan kailangan munang mawala ang mga taong malapit sa atin bago tayo mamulat kung gaano natin sila kamahal o gaano sila kahalaga sa buhay natin?
Kaya siguro kinukumpara ang pagluluksa sa pag-aayuno, kasi kapag nagluluksa tayo parang nawawalan din tayo ng ganang kumain o magbihis, o mamasyal o makipagkwentuhan. Nami-miss mo ang dating kasalo mo sa pagkain, kakuwentuhan o kasamang namamasyal. Kung minsan, importante ang makaranas ng pagluluksa para makapasok tayo sa espasyo sa loob natin na parang biglang nabakante, nawalan ng laman, at nawalan din ng liwanag nang mawala ang tinuturing mong kabahagi ng buhay mo. Pilit mo siyang binubuhay sa alaala, pinanatili sa puso, para kahit wala na siya parang naririyan pa rin siya sa piling mo.
Ganyan naman ang presensya o pananatili natin sa isa’t isa. Hindi lang sa pisikal, pwede ring sa espiritwal. HIndi lang sa labas kundi sa loob natin. Minsan hindi tayo makakain dahil ibig hinahanap natin ang ibang klaseng pagkain na hindi tiyan kundi kaluluwa ang kayang busugin.
Iyon ang pag-aayuno.