KALAYAAN AT PAHINGA

2,412 views,

Diocese of Kalookan

30,700 views

KALAYAAN AT PAHINGA
Homiliya para sa HUwebes sa Ika-15 Linggo ng KP,
17 Hulyo 2025, Eksodo 3:13-20; at Mat 11:28-30

Kung Linggo ang araw ng pagsamba para sa ating mga Kristiyano, Sabado naman ang sa mga Hudyo. Ito ang madalas na pagmulan ng pagtatalo sa pagitan ni Hesus at ng mga Pariseo. Maraming beses pinuna ng mga Pariseo si Hesus at ang kanyang mga alagad sa salang paglabag daw daw sa Batas ni Moises. Ang Sabado ay salitang Espanol na galing sa Hebreong salita na SHABAT, na ang literal na kahulugan ay PAHINGA dahil araw ito na walang trabaho upang sila daw ay makasamba sa Diyos. Ito ay ang pangatlo sa Sampung Utos. Hindi naman PAHINGA kundi PAGSAMBA ang nakasaad sa utos. “Thou shalt keep holy your day of rest.” Sa Tagalog, “Ilaan sa pagsamba (o pabanalin) ang araw ng iyong pahinga.”
Kaya hindi ako nagtataka na sa unang pagbasa, sa negosasyon ni Moises sa Hari ng Egipto para sa mga Hebreong alipin, ang dini-demand niya ay “Pagkakataon para makasamba.” Bahagi ng pagmamaltrato sa ginagawa sa mga alipin ay ang pagkaitan sila ng karapatang magpahinga. Alam naman ni Moises na siguradong hindi sila pagbibigyan kung ang demand niya ay kalayaan. Pero, bakasakali, kung ang hihilingin niya ay pagkakataon para makasamba, baka sakali ay pagbigyan. Magkakaroon sila ng kaunting pahinga, dahil ang pagsamba at pahinga ay iisa lang para sa kanila. Panahon para mapabanal ang kanilang trabaho, dahil sa paniwala nila na sa trabaho, nakikiisa sila sa paglikha ng Diyos na Banal sa daigdig.
Ang paggiit sa karapatan na magpahinga para makasamba ay simula na ng paggiit sa mas higit na karapatan—ang karapatan na lumaya mula sa pagkaalipin. Hindi mangyayari ito kung hindi muna sila matuto na mapabanalan ang trabaho nila para makita ang kabuluhan at layunin nito. Layunin ng paggawa ang itaas, hindi ibaba ang dangal ng tao.
Bumibigat talaga ang buhay natin kapag walang kabuluhan ang gawain natin, kapag walang layunin at walang pinag-aalayan. Ito ang ibig ituro ni Hesus sa kanyang mga alagad na susi ng tunay na kalayaaan. Ipinapalagay niya na bahagi naman talaga ng buhay ang trabaho, ang paggawa, ang pagbitbit ng mga pasanin para kumain at magpakain, para kumita ng mga pantustos sa gastusin ng pamilya. Bahagi ito ng prinsipyo ng kalayaan—na ang kalayaan ay hindi kalayawan, hindi ito tungkol sa paggawa sa gusto lang nating gawin. Wala ring kabuluhan ang buhay na walang responsibilidad, walang gawain, walang pananagutan.
Ang tunay na kalayaan ay may koneksyon pa rin sa trabaho, sa paggawa. Pero bilang tao, hindi sapat ang gumawa; mahalaga rin ang mapabanal ito, na makita ang layunin nito, ang halaga at kahulugan nito, na magampanan ito bilang taong nilikha sa wangis ng Diyos na mapanlikha sa paggawa.
Ito ang iniaalok na Shabat o pahinga ni Hesus sa kanyang mga alagad. Ito ang ibig niyang ituro sa kanila: pagiging taos-puso, pagiging mababa-ang-loob. Kapag nagpupursigi ang tao para sa mga mahal niya sa buhay, kapag bukal sa loob ang pagsusumikap niya, para siyang hindi napapagod. Bigay-todo siya sa gawain. Di ba ganoon naman talaga, kapag matamis sa loob mo ang ginagawa mo, kapag laan sa Diyos at sa kapwa tao, kahit mabigat, gumagaan. Pero kapag labag sa kalooban at sapilitan lamang, kahit magaan bumibigat. Ang buhay na may pananagutan, buhay na may pinaglalaanan—ito ang susi ng kalayaan para kay Hesus, at sikreto ng pagpapagaan ng ating mga bitbitin at pasanin sa buhay.

Related Videos

 /