NARITO PO AKO!
Diocese of Kalookan
NARITO PO AKO!
Homiliya Para sa Panlimang Simbang Gabi,
20 Dis 2024, Lk 1:26-38
Pag nagtaas ka ng kamay para magvolunteer sa isang gawain na hindi mo muna inalam kung ano, at di ka na makaatras matapos na malaman mo kung ano ito dahil naka-oo ka na, mayroon tayong tawag sa Tagalog sa ganyan klaseng sitwasyon: NAPASUBO. Siguro related ito sa kasabihan tungkol sa pag-aasawa: na “hindi ito parang kanin na isusubo at iluluwa kapag ikaw ay napaso.” Kumbaga sa sabaw na kumukulo, hipan man lang nang konti bago higupin kung ayaw mong malapnos.
Ang pumapasok sa isip ko na halimbawa sa Bibliya ay ang propetang Isaias. Sa chapter 6 ni Isaias, naroon ang kuwento. Nagpakita daw sa propeta ang Panginoon. Sinabi daw sa kanya: “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Para siyang excited na bata na nagtaas kaagad ng kamay at nagsabing, “Narito po ako. Ako na po.” Akala siguro niya laro o parlor games na may premyo.
Matapos na ipaliwanag sa kanya ang ipinagagawa sa kanya, wala siyang ibang masabi kundi “Hanggang kailan ho?” Ganito daw kasi ang magiging misyon niya: ang pangaralan ang bayang Israel, hindi upang magbago sila at magbalik-loob sa Diyos kundi upang maging lalong matigas ang mga puso nila at magpatuloy sa pagsuway sa Diyos. Kaya siguro niya tinatanong kung hanggang kailan. Kasi ano nga ba naman ang katuturan ng pangangaral niya kung hindi naman pala siya pakikinggan? Palagay ko, naisip-isip niya: “Mukhang napasubo yata ako a!” Hindi muna kasi siya nagtanong.
Kahit tipong masunurin ang paglalarawan sa karakter ni Mama Mary sa ating ebanghelyo, hindi rin naman siya basta na lang umoo. Nagtanong muna siya. Pero ang tanong niya ay hindi BAKIT AKO? kundi PAANO? Paano ito mapangyayari sa sitwasyon ko, gayong ako’y dalaga? Matapos maipaliwanag ng anghel na hindi naman siya kundi ang Espiritu Santo ang gagawa ng paraan at mangyari ito, noon pa lang siya sumagot at nagsabing, “Narito ako…Mangyari nawa sa akin ang sinabi mo.” (Lk 1:38)
Sa buhay natin, maraming beses din tayong maninimbang, mangingilatis, magtatanong muna bago magdesisyon. Hindi naman isang bulag na paglundag sa dilim ang hinihingi ng Diyos, kundi matalinong pagtuklas sa kanyang kanyang kalooban at partisipasyon sa kanyang gawain, sa kanyang ibig mangyari.
Minsan naman, katulad ni San Pedro, hindi pa man nagsisimula ang laban sumusuko na agad tayo. Di ba nasabi niya, “Huwag na lang ako, Panginoon, makasalanan akong tao.” (Lk 5:8) Minsan may tiwala nga tayo sa Diyos, tayo naman ang walang tiwala sa sarili. Nakakalimutan natin na ang Panginoong pinagtitiwalaan natin ay nagtitiwala din sa atin.
Ganyan din ang propetang si Jeremias. Nang tawagin daw siya ng Panginoon, ganito ang sagot niya, “Napakabata ko pa Panginoon, ni hindi ako marunong magsalita sa publiko.” (Jer 1:6-7) Pero sinaway daw siya ng Panginoon na nagsabing, “Huwag mong sabihing napakabata mo pa.” Hinaplos pa nga daw ng kamay ng Diyos ang bibig niya at sinabing “O, ayan. Ilalagay ko ang mga salita ko sa bibig mo… gagamitin mo sa paghugot at pagwasak, gayundin sa pagtatanim at pagtatayo.” (Jer 1:9-10)
Kahit wala pa sa katiting ang talino natin sa talino ng Diyos, kahit kaya na ngayon ng tao na lumikha ng artificial intelligence at gumawa ng mga robot na gagawa ng trabaho para sa atin, isang bagay ang sigurado ako: hindi tatawag at magsusugo kailanman ng mga robot ang Diyos. Mananatiling mas palagay ang loob niya sa pagpili ng mga taong tulad natin sa kabila ng ating mga kapalpakan at pagkukulang. Mga taong hindi niya pipilitin, mga taong kusang-loob na tutugon sa kanyang paanyaya at makikilahok sa patuloy na paglikha at pagliligtas ng Diyos sa sanlibutan.