KARAMAY
KARAMAY
Homiliya para sa Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon –
20 Hulyo 2025
Genesis 18:1–10 | Lucas 10:38–42
Nagkwento sa akin minsan ang isang tatay ilang araw matapos mailibing ang 20-anyos na anak niya na namatay. Isang araw daw, habang nag-iiscroll siya sa social media, napanood niya ang video ng isang batang lalaki na nagtanong sa tatay niya kung magkano ang kinikita niya sa isang araw. Pagkasabi, binuksan daw ng bata ang kanyang alkansya at sinabi:
“Tay, bigay ko na po sa inyo itong naipon ko. Para di ka na muna pumasok sa trabaho kahit isang araw lang, para makapagbasketbol tayo gaya ng dati.”
Napaiyak daw ang tatay sa napanood niya, dahil bumalik sa isip niya ang huling pagkikita nila ng sariling anak niya na namatay. Iyung gabing iyon, kumatok daw ang kanyang anak sa pinto ng kanyang kwarto.
“Tay, pwede ba kitang makausap kahit sandali?”
Pero dahil sa dami ng trabaho, ang naisagot daw ng ama ay,
“Anak, abala ako. Kailangan kong tapusin ‘to.”
Hindi niya alam na iyon pala ay isang sigaw ng paghingi niya ng saklolo. Buntong-hininga ng anak niya mayroon palang mabigat na pinagdadaanan. Isang huling pagkakataong parang humahanap ng karamay—na hindi niya napagbigyan. Biktima pala ng depression ang anak niya at ito ay humantong sa suicide. Ang tindi ng pagsisi ng ama.
Sa Ebanghelyo ngayon, ganito rin ang sinabi ni Hesus kay Marta:
“Marta, Marta, abala ka sa maraming bagay, pero isang bagay lang naman ang tunay na kailangan… at ito ang ginagampanan din ng kapatid niyang si Maria.
Ano ba ang ginawa ni Maria? Umupo. Nakinig. Naglaan ng kanyang presensya.
Ang kwento ni Marta ay parang pambalanse sa naunang kuwento, ang talinghaga ng Mabuting Samaritano. Doon, ang pagdamay ay ipinakita sa pamamagitan ng gawa: nilanggasan ang sugat, binuhat ang biktima at dinala sa bahay-panuluyan. Kabaligtaran ng pari at Levita na nagpatuloy ng paglalakbay na walang ginawa.
Hindi kaya ito ang hinaing ni Marta tungkol sa kapatid? Na dahil hindi siya tinutulungan sa kusina, wala











