MAGBIGAY-PAHINGA
MAGBIGAY-PAHINGA
Homiliya para sa Biyernes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon, Oktubre 30, 2026
Filipos 1:1–11; Lucas 14:1–6
Ano ba ang pagkakaiba ng pananaw ng mga Fariseo at ng pananaw ni Hesus tungkol sa Sabbath, o araw ng pahinga? Para sa mga Fariseo, ang mahalaga ay mahigpit na pagsunod sa batas. Bawal daw magtrabaho sa Sabbath, pati ang pagpapagaling ng maysakit.
Pero para kay Hesus, may isang mahalagang aspeto ng batas na hindi nila nakikita. Malinaw naman sa ikatlong utos: “Pabanalin mo ang araw ng pahinga.” Hindi lamang sinasabing huwag kang magtrabaho. Sinasabi rin na dapat makapagpahinga ang lahat. Pati ang mga tipong inuutusan— mga anak, mga alipin, mga katulong, mga manggagawa, pati ang mga hayop. Pati nga ang lupa binibigyan din nila ng pahinga.
Ibig sabihin, hindi sapat na iilan lamang ang pwedeng makapagpahinga. Dapat makapagpahinga rin ang iba.
Alam naman natin na sa mundong hindi patas, maraming tao ang hindi makapagpahinga dahil wala silang kakainin kung hindi makapaghanapbuhay araw-araw. Kung mayroon kang regular na trabaho, karaniwan ay may regular ka ring day off ayon sa batas. Pero paano naman ang mga taong isang kahig, isang tuka? Kapag hindi sila kumayod, walang makakain?
Kaya kung tutuusin, ang batas tungkol sa Sabbath ay batas din tungkol sa katarungang panlipunan. Ang pahinga ay hindi lamang para sa mga regularly employed. Para ito sa lahat.
Kaya mahalagang gumawa tayo ng paraan upang pati ang mga mahihirap ay magkaroon ng pagkakataong makapagpahinga.
Sa Ebanghelyo ngayon, isinama pa ni Hesus ang mga taong nagdurusa dahil sa karamdaman.
Pinagaling niya ang isang taong may malubhang pamamaga ng katawan, kahit araw ng Sabbath.
Para sa mga Fariseo, paglabag ito sa batas. Pero para kay Hesus, paano magiging paglabag sa batas ng pahinga ang pagbibigay ng ginhawa sa isang taong nagdurusa?
Isipin natin ang mga doktor. Kahit day off nila, kapag may emergency, maaari silang tawagin. Hindi nila sasabihing, “Bukas na lang, day off ko ngayon.”











