SAMAHAN MO KAMI

2,154 views,

Diocese of Kalookan

30,800 views

SAMAHAN MO KAMI
Homiliya para sa Misang Paggunita kina Marta, Maria at Lazaro,
Ika-29 ng Nobyembre, Juan 11:19-27

Ang malakas na alingawngaw na naririnig ko sa ating mga pagbasa, sa araw na ito ng Kapistahan ng tatlong magkakapatid na Kaibigan ni Hesus, ay isang pakiusap: Samahan mo kami, Panginoon. Katulad ng sinabi ng dalawang alagad sa estrangherong nakilakbay sa kanila.
Naging pamilyar tayo sa salitang Synodality, o sa panawagan ng yumaong Papa Francisco na tayo’y maging isang simbahang SINODAL. Na ito ay may kinalaman sa pagiging handang makilakbay sa bawat kapwa—hindi iyung namimili lang tayo ng pakikisamahan, hindi iyung para bang tayo lang ibig iligtas ng Diyos. Nasabi ko nga ito sa nakaraang PCNE sa UST—na ang kaligtasan na hangad ng Diyos ay laan para sa lahat ng tao. Kaya niya tayo tinuturuan na maging bukas ang isip at kalooban na makilakbay, hindi lang sa mga kapamilya,hindi lang sa mga ka-relihiyon, kundi sa bawat kapwa. Kasi, ganyan din ang ating Diyos sa atin.
Kaya bago tayo matutong makilakbay sa isa’t isa, kailangan munang makilala natin ang Diyos na nakilakbay sa atin. Ito ang pakiusap na narinig natin sa unang pagbasa—tungkol sa paglalambing ni Moises sa Diyos. Sabi niya, “Kung totoong kaibigan ang turing mo sa akin, samahan mo kami. Mabuti pang huwag na kaming magpatuloy sa paglalakbay namin kung hindi ka naman namin kasama. Makilakbay ka sa amin, Panginoon, kahit may katigasan ang aming mga ulo. IKaw na sana ang magpuno sa aming pagkukulang.”
Malakas ang dating ng ating ebanghelyo tungkol sa eksena ng naatrasong pagdating ni Hesus sa Betania—matapos na magpaabot sila ng balita na nag-aagaw-buhay ang kapatid nilang si Lazaro. Huli na ang lahat; pagdating niya, patay na si Lazaro. Kaya ang dating laging excited na sumalubong kay Hesus ay hindi lumabas at sumalubong; nagmukmok sa bahay, nagtatampo. Si Martha, sumalubong nga pero sumbat ang isinalubong sa kaibigan: “Kung narito ka lang, hindi sana namatay ang kapatid namin.”
Masakit na sumbat, pero nilunok ni Hesus; hindi na siya nangatuwiran. Kung narito ka lang… Ibig sabihin, “Wala ka noong kailangan ka namin.” Totoo naman, kung minsan, parang ganoon ang himutok natin sa Diyos kapag bumibigat ang mga pagsubok na kailangang harapin.
Balik sa kuwento—ang dating sinasalubong na kaibigan, ngayon parang hindi na welcome. Pero tumuloy pa rin si Hesus, pinakinggan ang himutok ng magkapatid, at nang umiyak si Maria, umiyak din siya. Ang mensahe niya ay ang presensya niya. Narito ako, kasama ninyo ako. Kung siya ay ang Diyos na nagkatawang-tao at kusang-loob na nakilakbay sa atin ay ang daan, paano ba tayo mailigaw? Kung siya ang katotohanan, paano ba tayo malilinlang? Kung siya ang buhay, paano ba tayo tatalunin ng kamatayan?

Related Videos

 /