“TANGING YAMAN”
“TANGING YAMAN”
Homiliya para sa Kapistahan ni San Antonio de Padua,
13 Hunyo 2025, 2 Cor 4:7-15, Mat 5:27-32
Noon huling pyesta na nagmisa ako dito, ang ebanghelyo ang tinutukan ko ng pagninilay. Ngayon naman, ang unang pagbasa ang gusto kong tutukan. Isa ito sa mga paborito ko sa mga sulat ni San Pablo na katukayo ko. Ang tungkol sa Espiritu Santo bilang kayamanang ating taglay sa kabila ng ating pagiging mistulang marupok na palayok.
May kwento akong narinig tungkol sa isang parokya na may Adoration Chapel, at doon sa may entrada nito, ang linyang narinig natin kay San Pablo ay nakasulat: “May kayamanan tayong taglay sa marupok na palayok…”.
Minsan isang umaga, naligalig ang buong parokya nang mabalitaan na pinasok diumano ng magnanakaw ang nasabing Adoration chapel. Naintriga siguro siya sa nakasulat na kasabihan sa may entrada nito tungkol sa “kayamanang nasa marupok na palayok” at natukso siyang pasukin ang kapilya para nakawin ito. Nagtakbuhan daw ang mga parokyanong nagsisimba, kasama ang kura, nang ibalita ng sakristan na nakita niya ang wasak na bintana ng kapilya kung saan pumasok diumano ang magnanakaw. Naroon kasi sa loob ang Santisimo sa isang tabernakulong salamin na nakakandado pero nabuksan din, at nawawala ang gintong monstrance na lalagyan ng Santisimo Sakramento (ang konsagradong ostia na ating sinasamba bilang katawan ni Kristo). Siyempre, alalang-alala ang pari na baka nalapastangan ang Santisimo. Pero laking gulat niya: nawawala nga ang gintong lalagyan, pero ang konsagradong ostia, naroon sa ibabaw ng altar. Siguro nang mailabas na ng magnanakaw mula sa tabernakulong salamin ang monstrance, binuksan niya ito para alamin kong ano ba ang nilalaman, kung ano ba itong “kayamanang” sinasamba ng mga parokyano. Nang makita niyang kapirasong manipis na tinapay lang pala ang laman nito, iniwan niya sa ibabaw ng altar. Sabi ng pari, “Good news. Narito ang Santisimo. Tinangay ng magnanakaw ang lalagyan, iniwan niya ang kayamanan.”
Ito ang ating











