AT YUMUKO SIYA
Diocese of Kalookan
AT YUMUKO SIYA
Homiliya para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma,
Ika-6 ng Abril 2025, Juan 8:1-11
Dalawang beses daw yumuko si Hesus. Una, nang iharap ang babae sa kanya at tanungin siya kung ano ba ang nararapat sa babaeng ito ayon sa Batas ni Moises. Pangalawa, matapos niyang sabihin, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato.” Yumuko daw siya at nagsulat sa lupa.
Ako sa palagay ko, kunwari lang siyang nagsulat. May ibang dahilan kung bakit siya yumuko. Hindi ba ginagawa rin natin ito noong mga estudyante pa tayo? Kapag may mahirap na tanong si titser at tumitingin sa mga estudyante kung sino ba ang nakakaalam sa sagot, sigurado lang iyung iba yuyuko at magsusulat. Pero pag tiningnan mo ang notebook nila, wala namang isinusulat. Kunwari lang na nagsusulat. Para hindi obvious na ang dahilan ng pagyuko ay para makaiwas sa question ni Titser.
So, ano ang dahilan ng pagyuko ni Hesus? Tingnan muna natin ang sitwasyon. Kinaladkad daw ng isang grupo ng mga Eskriba at Pariseo ang isang babaeng diumano’y nahuling nakikiapid para iharap ito kay Hesus. Nasa gitna siya noon ng maraming taong nakikinig sa kanyang pagtuturo. Sabi sa ebanghelyo, ang tunay na pakay ng mga Eskriba at Pariseo ay para hulihin siya sa kanyang sasabihin tungkol sa kaso, para may maisakdal laban sa kanya. Sa madaling salita, hindi talaga ang babae kundi si Hesus ang kanilang pinupuntirya.
Alam naman nila na ayon sa batas ni Moises, hindi lang ang babae kundi pati ang lalaking nahuli sa pakikiapid ang mahahatulan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbabato sa publiko.
Pwedeng kwestyunin ni Hesus kung bakit babae lang ang inaakusahan nila. Kung totoong nakiapid siya, nasaan ang kalaguyo? Di ba dapat pareho silang parusahan ng kamatayan ayon sa batas? Nasusulat iyon sa Leviticus 20 at Deuteronomy 22.
Pero kapag sumagot nang ganito si Hesus, ibig sabihin sumasang-ayon siya sa parusang kamatayan. Kung may isang bagay tungkol sa batas na mukhang hindi komportable si Hesus, isa











