Ating kilalanin ang Ama at ang kanyang Anak | Unang hakbang sa Pananampalataya
Rerad Scriptures:
Basahin natin ito:
JUAN 17
Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga Alagad
Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak,
yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya.
At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo.
Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin.
At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan.
Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.
Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo;
sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.
Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo.
Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang sa iyo ay akin, at ako'y naluluwalhati sa kanila.
At ngayon ay wala na ako sa sanlibutan, subalit ang mga ito ay nasa sanlibutan, at ako'y papariyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
Habang ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan.
Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili.











