BALUTIN MO AKO | Homily for Third Sunday of Easter (A)
BALUTIN MO AKO
Sa kwento, isinasalaysay kung paanong hinayaan lamang ni Hesus ang dalawang alagad na magkwento at ipahayag ang kanilang damdamin at kakapusan ng pang-unawa sa mga nangyari. Saka niya ipinaliwanag sa kanila ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa mga nangyari kay Hesus na nagpapatotoo na siya nga ang Mesiyas. Sa dulo ng kanilang paglalakbay, inanyayahan ng dalawang alagad ang Panginoon na tumuloy muna sa kanila. At doon nga sa hapag, kinuha ni Hesus ang tinapay, nagpasalamat, pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. At matapos nito’y naglaho na sa kanilang paningin. Kung matalas ang iyong pandinig, maaaring pamilyar sa iyo ang mga ginawa ni Hesus kasama ang dalawang alagad: isinalaysay at ipinaliwanag niya ang salita ng Diyos. Matapos nito, pinaghati-hati niya ang tinapay. Kung nagsisimba ka, alam mong ito ang dalawang mahalagang bahagi ng misa: ang liturhiya ng Salita ng Diyos at ang Liturhiya ng Eukaristiya. Nais iparating sa atin ni San Lucas na batid ni Hesus ang kakulangan natin sa pagkaunawa, kaya iniwan niya ang sakramento ng Banal na Eukaristiya upang habang panahon nating maalala ang kanyang ginawa para sa ating kapakanan. At kung paanong nag-alab ang puso ng dalawang alagad noong ipinapaliwanag ni Hesus ang Salita ng Diyos at kung paanong nakilala nila Siya sa paghahati-hati ng tinapay, isinasalarawan ni San Lukas na ito nga ang karanasan natin sa bawat pagdalo natin sa Banal na Misa. Kaya noong nakilala nila ang Panginoon, nawala na ito sa kanilang paningin. Subalit naiwan doon sa hapag ang pinaghati-hating tinapay bilang pahiwatig na iyon na nga ang kanyang magiging presenysa sa piling natin mula noon, hanggang ngayon: ang kanyang katawan at dugo sa anyong tinapay at alak.
Show More
Full Homily by Fr. Franz Dizon
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) | 23 Abril 2023
Diocesan Shrine and Parish of Nuestra Señora de la Asunción, Bulacan
Mga Gawa 2, 14. 22-23
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
Ituro mo ang landasin
ng buhay kong











