BUHAY NA MABUNGA
Diocese of Kalookan
BUHAY NA MABUNGA
Homiliya Para sa Pang-apat na Simbang Gabi,
19 Dis 2024, Lk 1:5-25
Ramdam ko ang pagkainis sa tono ng salita ni anghel Gabriel sa kuwento ng ating ebanghelyo sa araw na ito. Ang trabaho lang naman niya ay magdala ng mabuting balita. Kadalasan ang mahirap ay ang magdala ng masamang balita. Kung ikaw ang messenger siyempre takot ka na baka atakihin sa puso o himatayin ang binabalitaan mo. Paano mo sasabihin—naaksidente ang anak mo habang nagda-drive papuntang trabaho. Isinugod sa ospital dead on arrival.
Pero pwede rin palang mahirapan ang tagapagbalita kahit good news ang dala niya. Nangyayari ito kapag ang taong binabalitaan ay bumigay na dilim ng paghihinagpis. Kapag nawalan na ng saysay ang buhay para sa kanya. Kapag nasanay na siya sa buhay na baog.
Ang salitang “baog” ay hindi lang tungkol sa literal na pagkabaog, katulad ng mga hindi nagkakaanak. Ang mga pari at madre—halimbawa—hindi nagkakaanak hindi naman dahil sila’y baog, kundi dahil pinili naming yakapin ang bokasyon ng pagpapari o pagiging relihiyoso imbes na pag-aasawa. Hindi kami mga baog. Maraming pwedeng ibunga ang buhay ng taong naglilingkod sa Diyos at naglalaan ng sarili para sa kapwa at sa daigdig.
Ang kabaligtaran ng baog ay buhay na mabunga. Kaya ang totoong baog na buhay ay iyung walang naidudulot na kahit anong mabuti sa kapwa at sa mundo. Iyung parang linta kung makipagrelasyon, imbes na magbigay buhay, sumisipsip sa anumang kaunting buhay meron ang iba. Hinuhuthot ang lakas at sigla ng iba. Walang naihahatid na pag-asa, walang naidudulot na pag-unlad, paglaki o pagbabago. Nakababansot.
Hindi naman kasi mga matris lang o mga sex organs ng tao ang pwedeng mabaog at mawalan ng silbi. Mga utak din. Mga pusong wasak, mga nasiraan na ng loob, mga tipong di na lumalaban dahil matagal nang sumuko. Hindi na marunong managinip o mangarap. Ang buhay ay puro kahapon, wala nang bukas kaya wala na ring kasalukuyan. Parang ganoon ang disposisyon ni Zacarias sa ating ebanghelyo.
Parang











