DIYOS NA LAGING NGAYON
Diocese of Kalookan
DIYOS NA LAGING NGAYON
Homiliya para sa Huwebes sa Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon,
20 Hulyo 2023, Mt 11:28-30
Isang palaisipan ang sagot ng Diyos kay Moises nang tanungin Siya nito: “Ano po ba ang pangalan ninyo kung sakaling tanungin nila ako?” Wika daw ng Diyos: “Ako ang Diyos na LAGING NGAYON.” Ito ang translation ko sa I AM WHO AM.
Magandang palaisipan ito para sa atin, tayong mga nabubuhay sa lugar at panahon. Ang sandaling ito ngayon, mamaya lang ay lumipas na. At hangga’t tayo’y nasa ngayon pa, wala tayong katiyakan sa puwedeng mangyari bukas. Kahapon, ngayon, at bukas—ito ang tatlong panahon na lagi nating kailangang harapin hangga’t nabubuhay tayo dito sa mundo.
Katulad ng nabanggit ko sa homily ko kahapon, si Moises ay napadpad sa Midian dahil meron siyang tinatakasan na nakaraan. Kahit malinaw sa kanya na lumaki siya sa palasyo bilang prinsipe ng Egipto, ramdam niya ang koneksyon niya sa mga aliping Hebreo. Bahagi kasi sila ng kanyang nakaraan na ngayon ay ibig niyang takasan dahil hindi niya mabata na makita ang kanilang pagdurusa. Pero kahit mangarap siya ng kakaibang bukas sa kanila, parang lalo lang siyang nabibigatan, parang wala naman siyang magagawa para sa kanila.
Pwede nating iugnay ito sa sinabi ni Hesus sa ebanghelyo—sa paanyaya niya sa mga napapagod at nabibigatan, na bibigyan sila ng kaginhawaan. Dalawang bagay lang naman talaga ang pwedeng magpabigat sa ating mga buhay: mga bagay na nangyari sa nakaraan, at mga pinapangarap natin para sa hinaharap.
Totoo naman di ba, na minsan, may mga bagay na kahit nangyari na, kahit tapos na, ay parang hindi natin malimot-limutan. Bitbit pa rin natin o karga-karga na parang mabigat na pasanin—tulad ng mga pagkakamali, kapalpakan, at kabiguan sa nakaraan. Pati mga trauma o masasakit na karanasan, kahit tapos na, minsan parang sariwa pa rin, parang sugat na nagnanaknak, lalo na kapag hindi tayo makausad o makapagpatawad. Kapag ang galit ay natanim at naging mga hinanakit—parang kinakaladkad natin sa











