hamak


HAMAK
Homiliya para sa Araw ng Traslacion ng Poong Nazareno,
9 Enero 2024, Juan 3, 13-17

Meron bang mabuti na pwedeng manggaling sa Nazareth? Ito ang sagot ni Nataniel kay Felipe nang sabihan siya nito na natagpuan na nila ang Mesiyas. Ibig sabihin, ito ang reputasyon ng mga “Nazareno” para kay Nataniel.
Kaya nagtataka ako kay San Mateo. Sa dulo ng kwento niya tungol sa pagtakas ng Sagrada Pamilya sa panganib na dulot ni Herodes sinasabi niya sa v.23 ma “nanirahan sila (ang sagrada pamilya) sa bayan ng Nazareth.” Kaya daw “natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin siyang ‘Nazareno’.”
Ewan ko kung saan ang tinutukoy niyang kasulatan ng mga propeta na natupad daw nang manirahan si Hesus sa bayan ng Nazareth. Wala akong makita ni isang linyang ganito ang sinasabi sa Lumang Tipan. Isang linya na nag-uugnay sa pagiging “Nazareno” ni Hesus bilang tatak ng karangalan o kadakilaan.
Ang susunod na taong magbabansag kay Hesus bilang “Nazareno” ay si Poncio Pilato na. Iyun ang N sa karatulang INRI na nilagay sa krus sa ibanaw ng ulo nya. Sa Latin: Iesus Nararenus, Rex Iudaeorum (Hesus na Nazareno Hari ng mga Hudyo). At doon hindi rin parangal ang kahulugan nito kundi insulto, panghahamak. Kung Tinagalog ito, baka nilagyan ng DAW o ng Cebuanong KUNO. “Hari Daw ng mga Hudyo.” sabay halakhak.
Kaya binihisan siya ng purpura (kunwari hari), kinoronahan ng tinik at ipinako sa krus. Para kutyain, para ipamukha sa kanya alam nilang kahulugan ng “Nazareno”. Isang hamak na hampaslupa na mataas ang lipad. Isang pang-iinsulto o panlalait sa kanyang pinapangarap, o sa kadakilaan na kanyang pahayag.
Uso ngayon sa social media ang mga social experiments. Tulad ng isang nag-aapply ng trabaho sa isang sikat na food chain. Hinamak ng manager, iyun pala siya ang CEO ng kumpanya. Nagpapanggap lang pala siya na job applicant para makilatis ang pag-uugali ng kanyang mga manager. Kung ikaw ang manager na iyon, grabeng shock mo siguro pag nalaman mong ang nilait-lait mo ay ang Boss mo pala.

Related videos

Group of Brands

The Christian PostChristian TodayBible PortalBreatheCastGoodNewsLineEdifiVide Press