himala
Diocese of Kalookan
HIMALA
Homiliya para sa Huwebes sa Unang Linggo ng Karaniwang Panahon,
11 Enero 2024, Mk 1:40-45
Ang dibosyon ng mga Katolikong Pinoy sa Poong Nazareno ay maihahalintulad sa dibosyon ng mga Israelita sa “ark of the covenant” (Kaban ng Tipan). Ito nga ang pumasok sa isip ko nang makita ko and bagong kahong salamin na pinaglagyan sa imahen ng Nazareno.
Sa ating unang pagbasa, nasa sitwasyon ng giyera ang Israel, kalaban nila ang mga Pilistino. Unang bakbakan pa lang, talo na sila. Ang daming namatay. Kaya minabuti nilang isama ang Kaban ng Tipan sa labanan.
Ginamit nila ito na parang anting-anting, pampasuwerte. Sinuwerte ba sila? Hindi, talo pa rin; mas matindi pa ngang pagkatalo, namatayan pa nga sila ng tatlumpung libo katao, kasama na ang mismong mga saserdoteng tagabuhat sa Kaban ng Tipan. Pati ang Kaban ng Tipan ay nasamsam ng kalaban. Imbes na suwertehin, minalas sila.
Baligtad naman ang kuwento sa ebanghelyo. Lumapit daw ang isang taong maysakit na ketong. Hindi siya nakipag-gitgitan sa mga tao dahil alam niyang may sakit siyang nakakahawa. Pero lumapit pa rin siya at nagmakaawa. Sabi niya: “Kung ibig po ninyo, mapapagaling ninyo ako.” Ang punto—gusto niyang gumaling, pero hindi niya gagawing parang anting-anting o parang bagay na pampasuwerte ang Panginoon. “Kung ibig lang naman niya…” Lalapit lang ako at magbabakasakaling maantig ko ang puso niya. Alam natin ang nangyari—naantig nga ang Panginoon sa kanyang pagpapakumbaba, kaya nakuha ng ketongin ang kanyang hinihiling: “Oo, ibig ko,” sabi ni Hesus. At ginawa ni Hesus ang hinding hindi gagawin ng kahit na sinong Rabbi sa Israel—hinipo niya ang ketongin at pinagaling ito.
Hindi ito magic, hindi suwerte, hindi anting-anting ang nagpagaling sa kanya kundi malasakit, ang pag-apaw ng grasya mula sa kalooban ng Diyos na naantig sa taong nagpakumbaba at lumapit. Ang pagturing sa mga banal nating larawan bilang mga anting-anting na pampaswerte ay insulto sa kapangyarihan ng Diyos. Ang paghaplos ng Panginoon na











