KAPANATAGAN NG LOOB
Diocese of Kalookan
KAPANATAGAN NG LOOB
Homiliya para sa Linggo ng Palaspas,
13 Abril 2025, Lukas 22-23
Salamat sa Diyos at inalis na ang parusang kamatayan sa ating batas sa Pilipinas. Totoo naman kasi na madalas magamit ang batas laban sa mga taong wala namang kasalanan pero gusto lang gipitin ng mga nasa kapangyarihan. At hindi totoo na epektibo ito bilang paraan ng pagsupil sa kriminalidad sa lipunan. Mas delikado sa lipunan kapag ang mismong mga alagad ng batas ang nagiging instrumento ng kriminalidad, lalo na kapag lumakas ang loob nila na abusuhin ang kapangyarihan, kapag sa tingin nila ay hindi sila mapapanagot ng batas, kapag para sa kanila sila na mismo ang batas o hawak nila ang batas.
Sa kasaysayan ng ating bansa, noong mayroon pang death penalty sa atin, iba’t iba ang paraan ng pagbitay na ginamit ng gobyerno. Noong panahon ng gobyernong kolonyal ng Espanya, garrote ang paraan ng pagbitay, katulad ng ginawa sa tatlong paring sina Padre Gomez, Burgos at Zamora, o firing squad naman tulad ng ginawa sa atin bayaning si Jose Rizal. Noong panahon ng mga Amerikano pagbibigti naman ang paraan ng pagbitay o pagparusang kamatayan. At inabot ko pa noong bata pa ako ang silya elektrika noong martial law, at ang lethal injection noong pagkatapos ng martial law. Natigil nga ito noong 2006, pero nauso naman ang EJK pagkatapos—mga iligal na paraan ng pagbitay pero tahimik na sinang-ayunan ng maraming Pilipino dahil sa paniwala nilang mabisang paraan ito ng pagsupil sa kriminalidad.
May narinig ako noon na mga kuwento ng mga paring chaplain na umalalay sa mga binibitay sa Bilibid. Ang iba daw, dahil sa tindi ng kaba at takot sa nalalapit nilang kamatayan, dinadala pa lang sa lugar kung saan bibitayin, nagwawala na sila at nagsisisigaw, ang iba’y nagsusuka, may naiihi sa pantalon, at merong nababaliw.
Ano ang nakikita nating kakaiba sa kuwento ni San Lukas tungkol sa pagharap ni Hesus sa parusang kamatayan sa krus? Una, kalmado siya; panatag ang loob na humarap sa mga umuusig sa kanya.











