KASUNDUAN, KAUTUSAN
KASUNDUAN, KAUTUSAN
Homiliya para sa Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay,
11 Mayo 2023, Jn 15, 9-11
Maraming beses ko nang nabanggit sa aking mga nakaraang mga homiliya na ang pundasyon ng mga kautusan (commandments) ay ang kasunduan (covenant), kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng kanyang bayan. Na kapag inalis natin ang mga kautusan sa pundasyon ng kasunduan, nawawalan ang mga ito ng tibay at saysay. Parang gusaling itinayo sa buhangin sabi nga ni Hesus mismo sa dulo ng sermon on the mount. Kapag walang kinatatayuang kasunduan, ang mga kautusan ay nagiging mistulang mga pabigat na obligasyon lamang.
Kaya nga madalas kong sabihin na mas gusto kong tawaging SAMPUNG KASUNDUAN ang TEN COMMANDMENTS imbes na SAMPUNG KAUTUSAN. Sa Ingles, TEN COMMITMENTS, imbes na COMMANDMENTS. Walang ipinagkaiba ito sa pagsunod sa utos ng ating mga magulang. Walang saysay ang pagsunod kung walang pagmamahal. Sumusunod ka dahil nagmamahal ka. Ganyan din naman sa mga batas ng ating bansa, di ba? Iba ang dating ng pagsunod sa batas kapag ang motibasyon ay pag-ibig sa bayan. Di ba ganoon ang sinasabi natin sa PANATANG MAKABAYAN? “Iniibig ko ang Pilipinas” kaya bilang ganti, “tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan na masunurin sa batas…”
Ito ang sinasabi ni Hesus sa binasa nating bahagi ng kanyang huling paalam at habilin sa mga alagad—na ang batayan ng pagsunod sa kautusan ay pananatili sa kanyang pag-ibig. Di nga ba sinabi ni San Pablo, sa Romans 8, “Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos dahil kay Kristo Hesus na ating Panginoon…”? Hindi dalawang tapyas ng batong kinasulatan ng Sampung Utos ang simbolo ng kasunduan kundi si Kristo na mismo. Siya ang Diyos na totoo at taong totoo na iisang persona, hindi na mapaghihiwalay. Hindi na batas kundi ang Anak ng Diyos mismo—siya ang nagbubuklod at namamagitan sa Diyos at sangkatauhan.
Ito rin ang punto ni San Pedro sa mga binitawan niyang salita sa ating unang pagbasa. Ang tinig niya ang pumawi sa matinding











