MI CASA, SU CASA
MI CASA, SU CASA
Homiliya Para sa Huwebes sa Ika-apat na
Linggo ng Karaniwang Panahon,
Pebrero 1, 2024, Mk 6:7-13
Huwag daw magbaon ng pagkain, o magbitbit ng bagahe. Huwag daw magdala ng pera sa bulsa, o ekstrang underwear. Ganoon? Ewan ko lang kung sa panahon natin mayroon pang mapapasunod o maisusugo si Hesus kung ganoon pa rin ang patakaran niya. Ano ba’ng gusto niyang mangyari? Maging parang mga lagalag sila? Maging mistulang mga palaboy na taong grasa ang mga alagad niya? Sumabak na lang basta sa misyon? Bahala na kung may magpatulóy o magpakain sa kanila? Ganoon?
Kaya siguro may mga taong nag-akala noon na ang mga Kristiyano ay mga panatikong miyembro ng isang kulto, parang bulag o hibang na sunod na lang nang sunod sa kahit ano’ng ipagawa ng lider nila. Ganyan nga ang pwedeng maging impression kung di natin alam ilagay sa konteksto ang pagbasa natin ngayon.
Sa totoo lang, batay sa maraming iba pang mga kuwento sa apat na ebanghelyo, sa tingin ko mahusay sa planning, organization at management si Hesus. Kung hindi, e bakit nag-survive nang dalawang libong taon ang kilusan na sinimulan niya? Hindi siya tipong “fatalistic”. Hindi siya basta-basta sumasabak. Ma-diskarte siya. Halimbawa—alam niyang planuhin ang pagpapakain sa libo katao kahit kakaunti lang ang pagkain. Mahusay siya sa resource mobilization; ang konti napaparami. Organized din siya; imbes na papilahin ang mga tao, pinagrupo niya sila nang tiglilimampu at nag-assign ng mga tauhan para sa maayos na paraan ng pagpapakain. Pati ang gagawin sa tira-tirang pagkain, planado niya. Kapag tipong dinudumog na siya, nagpapahanda siya ng bangka sa may pampang ng lawa na aatrasan niya. Pati sound system iniisip niya; kaya kung minsan sa pampang siya nangangaral, ginagamit na sound box for projection ang bangka. Noong pumasok sila sa Jerusalem, meron na agad kontak doon na magpapahiram ng sasakyan niyang asno o ng lugar na pagdarausan nila ng hapunan ng Paskwa. Marami pa akong pwedeng ibigay na halimbawa.











