NAGDADALANG-TIPAN
NAGDADALANG-TIPAN
Homiliya para sa Pang-anim na Araw ng Simbang Gabi,
Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento,
21 ng Disyembre 2023, Lk 1:39-45
Ewan ko kung saan ba nanggaling ang tradisyon na si San Lukas daw ay isa sa mga pinakaunang pintor ng mga imahen ng mga santo at santa. Ang alam ko ay ang tradisyon tungkol sa kanya bilang manggagamot. Pero bakit kaya malakas din ang tradisyon tungkol sa kanya bilang religious painter?
Bago ko sagutin ang tanong, kaunti munang trivia tungkol sa Kasaysayan ng Pananampalatayang Kristiyano. Sa Roman Catholic tradition na siyang mas kilala natin sa Pilipinas, ang alam nating mga imahen, kadalasan, ay mga rebulto o istatwa ng mga santo at santa. Sa Oriental Christian tradition—maging Orthodox man o Katoliko, hindi mga rebulto o istatwa ang mga imahen nila sa loob ng kanilang mga simbahan kundi mga “icons” na nakapinta sa flat na kahoy. Ang pinakasikat na icon natin sa Pilipinas at ang Mother of Perpetual Help sa Baclaran.
Kadalasan, mga eksena ang mga icons sa buhay ng mga disipulo at mga apostol lalo na sa mga ebanghelyo. May tawag sila sa ganitong porma ng religious art—iconography, na ang literal na kahulugan ay “writing an icon,” hindi “painting an icon.” Siguro dahil ang inspirasyon para sa kanila sa paggawa ng mga imahen ay nagsimula, hindi sa pintura at kahoy, kundi sa literatura. Isang magandang halimbawa ang ating Gospel reading ngayon tungkol sa eksena ng Visitation, ang pagdalaw ni Mama Mary kay Elisabet ayon kay San Lukas. (Kaya siguro siya tinatawag na oldest iconographer.)
Kung ipipinta sa wood panel ang kuwento ng Visitation ayon kay San Lukas, may limang karakter sa kuwento—ang tatlo ay aktibo, ang dalawa ay tahimik lang sa background. Ang tatlong aktibo ay sina Maria, Elisabet, at si Juan Bautista na sanggol pa lang sa sinapupunan ni Elisabet. Ang tahimik pero naririyan din ay ang Anak ng Diyos na nasa tiyan na ni Maria, at ang hindi binabanggit pero nariyan din sa eksena—si Zacarias, na hindi na nagsalita mula











