PAG-IBIG: IKOT-IKOT LANG | Homily for Holy Trinity Sunday (A)


PAG-IBIG: IKOT-IKOT LANG

Kapag pinag-uusapan ang misteryo ng “Santisima Trinidad” o ang Tatlong Persona, Iisang Diyos, maraming mananampalataya ang umuurong ang dila o hindi nangangahas magsalita at magpaliwanag tungkol dito. Ang madalas na tanong: “Paano naging isa ang tatlo at paano naging tatlo ang isa?” Paalala, ang Diyos ay hindi isang mathematical equation na kaylangang resolbahin. Sabi nga ni Gabriel Marcel, ang misteryo ay hindi isang problema na kailangang solusyonan kundi isang katotohanan ng buhay na dapat lamang tanggapin at yakapin. Pero sa pagyakap ng misteryo ng Diyos, binibigyan din tayo ng pagkakataon upang maunawaan Siya sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Kanya. Kaya nga ang banal na kasulatan ay sinasabing “liham ng pag-ibig” sa pagitan ng Diyos at tao. Dito nakasulat ang mga naging karanasan ng tao sa Diyos. Sa mga karanasang ito, nagpapakilala ang Diyos sa atin at ang pagpapakilalang ito ang pinanghahawakan natin bilang katotohanan. At sa kasaysayan ng kaligtasan kumikilos ang Diyos bilang Ama na pinagmulan ng lahat, Anak na tumubos sa lahat at Espiritu Santong nagpapabanal sa lahat. At ang pagkilos nila sa karanasan ng tao ay hindi magkakahiwalay kundi magkakaugnay. Kaya masasabing sa bawat karanasan ng tao sa iisang Diyos, tatlong persona pa rin ang laging kumikilos kaisa natin at upang maging kaisa tayo sa Kanya. Kaya nga hindi lang tayo tagamasid o tagapagpaliwanag tungkol sa misteryo ng Diyos. Noong binyagan tayo, naging kaisa tayo sa buhay ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng kanyang pag-ibig at pagpapamalas ding ng pag-ibig. Kaya nga kung lalagumin ang kahulugan ng misteryo ng Santisima Trinidad, masasabing ito ay pagpapahayag na Ang Diyos ay pagmamahal, ang Diyos ay nagmamahal sa atin at inaanyayahan tayong mahalin din Siya at ang ating kapwa. Samakatuwid, ang Diyos ay pag-ibig at hindi maipaliliwanag nang ganap sa salitaan pero maaaring ganap na maranasan.

Show More

Full Homily by Fr. Franz Dizon
Linggo ng Tatlong Persona sa Isang

Related videos

Group of Brands

The Christian PostChristian TodayBible PortalBreatheCastGoodNewsLineEdifiVide Press