PAGKAKAISA
Diocese of Kalookan
PAGKAKAISA
Homiliya Para sa Huwebes sa ika-7ng Linggo ng Pagkabuhay,
25 May 2023, Juan 17:20-26
Magandang hangarin ang PAGKAKAISA pero hindi lahat pinagkakaisahan ay mabuti o tama. Sa ating first reading, nagkaisa ang mga Pariseo at Saduseo na karaniwang hindi nagkakasundo sa maraming usaping doktrina. Nagkaisa lang sila sa hangarin nilang mapabilanggo at mapatahimik si San Pablo sa pangangaral niya ng mabuting balita tungkol sa Panginoong HesuKristo.
Alam ni San Pablo na may mga pagkakaisa na madaling buwagin. Kaya kumambyo siya sa depensa niya. Ang sabi niya, “Kaya ba ako nililitis dito at dahil Pariseo ako at naniniwala sa muling pagkabuhay?” Alam kasi niya na ang doktrina tungkol sa muling pagkabuhay at kabilang buhay ay isa sa mga pinagtatalunan ng dalawang grupo. Pro-resurrection ang mga Pariseo, kontra naman ang mga Saduseo. Para sa kanila, walang ibang buhay kundi ang dito sa mundo.
Ayun, ang bilis tuloy na nabuwag ng pagkakaisa nila ; aba narinig lang ang muling pagkabuhay biglang hindi na sila magkasundo sa naunang hangarin nila na mahatulan si San Pablo ng parusang kamatayan.
Sa ebanghelyo naman, narinig natin ang sinabi ni Hesus sa Juan 17:20, “Ang panalangin koʼy hindi lang para sa kanila na sumasampalataya sa akin , kundi pati na rin sa mga sasampalataya pa sa akin sa pamamagitan ng pangangaral nila.” Ibig sabihin, hindi lang para sa kanyang mga alagad na kasama niya sa sandaling iyon, kundi para din sa ating mga alagad niya ngayon.
Pero linawin natin, malinaw ang hiniling niya—hindi lang na magkaisa tayong lahat, kundi ang tayo’y magkaisa “kung paanong siya at ang Ama ay nagkakaisa.” Na sana ang maging batayan ng ating pagkakaisa ay ang pagkakaisa ng Ama at Anak sa buklod ng Espiritu Santo. Pagkakaisang nakatayo sa pundasyon ng pag-ibig, dahil, sabi nga ni San Juan, “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8)
At sabi rin ng Kasulatan, “Nilikha ng Diyos ang tao sa kanyang sariling hugis at wangis.” (Gen 1:26-27). Ibig sabihin, kalooban niya na mahawig tayo











