PAGKUKUSANG-LOOB
PAGKUKUSANG-LOOB
Homiliya para sa ika-apat na Linggo ng Kuwaresma,
(Linggo ng Laetare) 10 Marso 2024, Juan 3:14-21
Tinanong ko ang isang eksperto sa wikang Filipino kung ano ba ang translation niya para sa English word na INITIATIVE. Sabi niya, INISYATIBA. Hmm, sabi ko, “wala na bang iba?” Obviously, hindi ako kuntento dahil parang hiniram lang ang salita—initiative, inisyatiba. Sabi niya pwede ring PASIMUNO; kaya nga lang parang mas madalas daw na gamitin ang salitang PASIMUNO sa negative nitong pakahulugan—halimbawa, “Siya ang pasimuno sa lahat ng kalokohan sa kanilang klase.” Kaya nga siguro hiniram na lang ang salitang INISYATIBA para maiwasan ang negatibong kahulugan ng PASIMUNO. Pero salamat na lang at may nahugot na isa pang salita itong ating eksperto na sa tingin ko’y mas malapit sa kahulugan ng salitang INITIATIVE, at mas positive ang dating—PAGKUKUSA. Dinudugtungan pa natin ng LOOB (as in “KUSANG-LOOB”) para idiin na hindi sa labas kundi sa loob nanggaling.
Ito ang pagnilayan nating mabuti sa araw na ito ng “Linggo ng Laetare” sa panahon ng Kuwaresma. Siyanga pala, ang Laetare ng Kuwaresma ang katumbas ng Gaudete sa panahon ng Adbiyento. Iyung sandali na ang madilim na kulay ube o lila ng panahon ng penitensya ay biglang nagiging kulay rosas. Parang paunang sulyap sa happy ending ng kuwentong akala mo’y trahedya. Pag-asa lang ang pwedeng magpaaninag sa atin sa isang “kulay rosas na bukas” kahit madilim ang pinagdaraanan sa kasalukuyan. Ito kasi ang diwa ng ating mga pagbasa ngayon, lalo na ang ating ebanghelyo tungkol sa pag-ibig ng Diyos na kusang-loob, hindi gantimpala sa ating pagsunod.
Ganito ang sinasabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: ang kaligtasan daw na ibinubunga ng ating pagsampalataya ay kaloob o biyaya pa rin ng Diyos. Ito daw ay grasya, hindi bunga ng ating gawa. Kaya siguro minsan sa isang conference, nasabi ng yumaong si Pope Benedict habang hinahanapan niya ng simpleng depinisyon ang pananampalataya, na ito daw ay TUGON lang











