PAGMASDAN
Diocese of Kalookan
PAGMASDAN
Homiliya para sa Biyernes Santo,
7 Abril 2023, Juan 18:1—19:42
Ito ang araw ng buong taon na walang laman ang tabernakulo. Walang bulaklak sa santuaryo, walang sapin ang altar, walang kandila, at walang Misa kahit saang simbahan sa buong daigdig. Walang kalembang ng kampana, walang ibang imahen na pagmamasdan sa loob ng ating mga simbahan kundi ang krus na may tabing ngunit unti-unti nating aalisan ng takip upang ating mapagmasdan ANG DIYOS NA PINATAY NG TAO. Ito ang simula ng araw na WALANG DIYOS, wika nga ng isang zarsuelistang Kapampangan, na si Cisostomo Soto. Sa udyok ni Satanas, pinatay ng tao ang Diyos upang ipagsigawan sa mundo: AKO ANG DIYOS, wala nang iba pa.
Hindi ba kabalintunaaan na sabihing “pinatay ng tao ang Diyos?“ Paano ba mapapatay ang Diyos na walang kamatayan, Diyos na walang hanggan, Diyos na lumikha sa langit at sa buong sanlibutan? Di ba iyan kabalintunaan? Oo, kabalintunaan dahil siya ang Diyos na nagmahal nang lubos sa taong kanyang nilikha sa sariling hugis niya at wangis.
Ninais kasi niyang lumikha ng isang katulad niya sa pagiging totoo, mabuti, at maganda. Kaya lumalang siya ng taong malaya upang matuto tayong managot at manindigang tulad niya para sa totoo, para sa mabuti at para sa maganda. Minahal niya tayong parang mga anak niya upang matuto tayong magmahal sa isa’t isa bilang magkakapatid. Minahal niya tayo upang katulad niya—tayo ay matutong magpakumbaba, magparaya, magbigay, mag-alay ng buhay para sa minamahal, lumabas sa sarili, makipagkapwa, makibuklod ng puso at diwa, matuklasan ang tunay na dangal ng ating pagkatao.
Ngunit, nalinlang tayo ng ulupong. Napapaniwala niya tayo na ang landas ng pakikitulad sa Diyos ay kapangyarihan. Kung tutuusin, parang totoo—hindi ba’t ang Diyos ay tinatawag nating “makapangyarihan”? Dahil alam nating nakapangyayari ang Kanyang salita, inambisyon natin na maging katulad niya. Nalinlang tayo ng ahas na ang susi ng pakikitulad sa Maykapal—ay ang mag-diyos-diyosan, ang gamitin ang ating











