PAGTAWID SA IBAYO | Homily for 19th Sunday in Ordinary Time (A)


Naranasan mismo ng mga alagad na ang pagtawid ay puno ng mga panganib at salungat sa agos ng daigdig. Kahit pa sila’y magkakasama, hindi madadaig ng lakas nila ang mga alon, hangin at unos na halos magpataob sa kanilang bangka. Kaya hindi rin naman sila masisisi kung bakit gayun na nga lamang ang takot nila. Isinasalarawan ng bangkang ito ang simbahan, lalo na ang mga unang pamayanang Kristiyano. Sa pamamagitan ng kanyang panulat, ipinapakita sa atin ni San Mateo ang pinagdaraanan ng mga Kristiyano noon. Pakiramdam din nila, hinayaan na lang sila ni Hesus. Marahil, hindi na nila nakikitang mararating pa nila ang pampang. Iniisip na rin nilang lulubog na ang simbahan bago pa nito marating ang “ibayo” ng mga sulok ng mundo. Sa kanilang pamumuhay noon sa gitna ng mga pag-uusig, wala na silang makitang liwanag. At kahit pa makita nila ang liwanag ni Hesus, ang mga mata nilang binalot na rin ng takot ay multo na ang nakita. Kung sabagay, pinalalalabo naman talaga ng takot at pangamba ang ating pagkilala sa Kanya. Hindi naman sigurong masama ang matakot at mangamba subalit nais ipaunawa sa kanila ni Hesus na alam Niya ang nararamdaman ng kanyang mga alagad. Kahit pa naiwan siya sa burol para manalangin, hindi naman nawaglit sa kanyang puso at isip ang kanyang mga itinuturing na kaibigan. Kaya nga kahit pa lumakad sa dagat, gagawin niya upang ipaalala na may malasakit siya, at may kamalayan siya sa sitwasyon nila. Alam niya kung kailan o kung paano siya kikilos kahit pa minsan hindi natin ito napapansin at napahahalagahan. Kapag talaga nakatuon lamang ang ating pansin sa mga sitwasyong wala tayong kontrol, nawawaglit din sa isip natin ang katotohanang may control ang Panginoon.

Full Homily by Fr. Franz Dizon
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) | 13 Agosto 2023
Our Lady of Mount Carmel Parish - Barasoian Church

Show More

1 Hari 19, 9a. 11-13a
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.
Roma 9, 1-5
Mateo 14, 22-33
------------------
Like, Follow

Related videos

Group of Brands

The Christian PostChristian TodayBible PortalBreatheCastGoodNewsLineEdifiVide Press