putulin
Diocese of Kalookan
PUTULIN?
Homiliya para sa Huwebes sa Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon,
27 Pebrero 2025, Mk 9:41-50
Ang pinaka-susi para maintindihan ang ipinupunto ng ating pagbasa ay ang linyang: “Kayo ay KAY KRISTO.” May gantimpala daw sa sinumang magmagandang-loob sa atin dahil tayo ay KAY KRISTO. Ibig sabihin, bilang alagad, ang buhay natin ay bahagi na ng buhay ni Kristo.
Kung minsan, dahil sa galit sa mga nakasakit o nakaperwisyo sa atin, nakapagsasabi tayo ng masasakit na salita, tulad ng: “Bahala ka na sa buhay mo. Wala na akong pakialam sa iyo. Para sa akin, patay ka na.” Parang ang daling sabihin, ano? Pero kung ang taong sinasabihan mo ng ganito dahil sa galit ay naging parte na ng buhay mo dahil minahal mo siya, pwede mo ba talaga siyang basta na lang itapon, putulin o burahin sa alaala at kalimutan?”
Ito ang misteryo ng pagkatao at pagpapakatao na hindi maiiintindihan ng mga taong makasarili o ang prinsipyo ay individualistic. Hindi pwedeng maging ganap ang ating pagkatao sa pag-iisa o sa pamumuhay na parang isla. Habang lumalaki tayo, lumalawak at lumalaki rin ang ating mundo, maraming nadudugtong o nauugnay sa buhay natin, mga taong nagiging kabahagi ng buhay natin, mga taong nakakaisa natin sa puso at diwa. Kaya siguro KAPATID o KAPUTOL ang tawag natin sa mga kaanak natin o ibang mga anak ng mga magulang natin. Hindi sila iba. Para silang kapwa sanga ng iisang puno, kabahagi ng iisang katawan. Kapag nasaktan sila, nasasaktan din tayo. Pag may nangyaring masama sa kanila, apektado tayo. Ang AKO at IKAW, kapag nagkaroon ng kaugnayan ay nagiging KITA sa Tagalog. Walang katumbas ang KITA sa Ingles.
Kaya parang nanunuya ang Panginoon sa mga linyang narinig natin sa ebanghelyo: kahit ano pa ang diperensya ng kamay mo, o paa mo, o mata mo, hindi mo ituturing na solusyon ang basta na lang putulin o ihiwalay ang mga ito. Dahil iisang Espiritu Santo ang dumadaloy sa atin bilang Katawan ni Kristo, pag nasaktan ang kapwa, nasasaktan din tayo. MALASAKIT ang tawag natin











