TULÓY KAYÓ!
Diocese of Kalookan
TULÓY KAYÓ!
Homiliya para sa Ika-2 Linggo ng Karaniwang Panahon,
Pyestang Sagrada Pamilya (Kalookan),
14 Jan 2024, Jn 1:35-42
Kung alam ninyong gamitin ang imahinasyon, makikita ninyong angkop na angkop ang mga pagbasa natin ngayon sa Pista ng Parokya ng Sagrada Pamilya dito sa Kalookan. Nandiyan sila sa background—ang pamilya ni Hesus. Syempre magkakamot ka ng ulo at magkukunot-noo—saan? parang di ko yata narinig?
Konting kwento muna. Noong pumasok ako sa seminaryo, parang lalong lumaki ang pamilyang kinabibilangan ko. Lahat ng mga kapwa-seminarista ko, parang mga kapatid ko na rin. At alam iyon ng parents ko, kaya welcome silang lahat sa bahay, kasi alam nilang kaibigan at kapatid din ang turing ko sa kanila. Welcome silang makikain at makitulog kahit walang pasabi.
Wala naman kasi kaming telepono noon, at hindi pa uso ang mga cell phone kaya hindi naman pwedeng magtext. Kaya madalas mangyari, kapag meron kaming apostolate o lakad ng mga seminarista sa Pampanga, sasabihin ko sa mga kasamang seminarista, daan tayo kay nanay doon na tayo kumain ng tanghalian para makatipid ng pangkain sa carinderia.
Sanay ang nanay ko noon sa ganyan. Siyempre nagugulat siya dahil walang pasa-pasabi, biglang mag-uuwi ako ng tatlo o limang kasamahan sa seminaryo, minsan di lang makikikain, makikitulog pa. No problem, laging may nakatagong corned beef si nanay o sardinas, igigisa niya at sasahugan ng maraming repolyo at isang kalderong kanin, sulit na.
Balikan natin ang ebanghelyo—nasaan doon ang Sagrada Pamilya? Napalingon daw si Hesus sa dalawang alagad ni Juan na sumusunod sa kanya. Tinanong siya: “Rabbi, saan ka nakatira?” Sagot niya, “Halikayo, para makita ninyo.” Saan ba ang tirahan niya, edi Nazareth? Palagay ko nabigla rin sina Mama Mary at Tata Jose at biglang nandoon ang anak nilang lagalag, nag-uwi pa ng dalawang katropa. Pero sa isang masayang tahanan, ang bati ay TULOY KAYO! Hindi lang sila nakikain, nakitulog pa. Ganyan ang pamilya. Sa una, mga kadugo lang ang miyembro.











